Isang Reflection Paper sa aming Pagbisita sa New Bilibid Prison noong Nobyembre 29, 2014

Bago kami tumungo sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa, nabigyan na kami ng ilang oryentasyon sa klase ng aming propesor hinggil sa paraan ng pamumuhay ng mga inmates. Subalit, nang ako’y makarating doon, masasabi kong may mga bagay pa rin talagang hindi madaling naipapaliwanag gamit lamang ang mga larawan, bidyo, mga kuwento at iba pa. Ika nga nila, iba pa rin kung ikaw mismo ang makakakita, makakaranas ng sitwasyon nila.

Bago ako pumasok sa UP, partikular na sa Sosyolohiya, masama talaga ang pagtingin ko sa mga inmates. Lagi kong iniisip na kailangan nilang pagbayaran ang kasalanang ginawa nila, na ang batas ay batas at dapat itong sundin. Masasabi kong tama pa rin naman ang iba sa pananaw kong ito, subalit marapat na lagyan ng rason o pag-intindi ang ilan sa mga nasabi.

Gaya ng paulit-ulit kong nasambit nang kami’y nasa loob na ng bilibid, parang normal na komunidad lamang ang nakita ko. ‘Yon nga lang, karamihan ng makikita mo sa paligid ay mga kalalakihan. May simbahan (una naming napuntahan), tindahan, mga dorm o tirahan, basketball court, at iba pa. May peace and order sa lugar bagaman masasabi nating pare-parehong kriminal ang nandoon. May mga lider na nagpapanatili ng peace and order na ito, at higit pa diyan, sila din ang nag-aasikaso sa mga pangangailangan ng mga ‘kakosa’ nila. May iba’t ibang paraan ang mga inmate para maglibang. Sabi nga ng isang inmate, oras ang kalaban nila sa loob kaya nagpapagawa sila ng mga pwedeng libangan.

Sa katunayan, may ilang mga bagay at lugar sa bilibid ang noon ko lang unang beses na nakita tulad ng Buddhist temple na dinaanan namin. May ibang bagay pa ang kagulat-gulat na makikita sa bilibid, bagaman hindi pa ako nakakita ng mga ganoong bagay kahit sa mga mayayamang pamilyang napuntahan ko na, dito sa labas. Ang halimbawa nito ay ang mga recording studios, mini zoo, high tech na computer na ginagamit pang-edit at iba pa. Mamahalin pa ang mga instrumentong makikita sa lugar.

Maliban sa mga ito, napansin ko lang na siksikan talaga ang mga inmates sa lugar. Isang dormitoryo lang ang napasok namin ngunit masasabi kong kahit sa dormitoryong iyon ay mahirap manirahan lalo na’t iba iba ng postura ang mga kalalakihang nasa loob.

Ngunit, kahit sabihin nating nararanasan ng mga inmates ang ganoong uri ng pamumuhay, may mga bagay pa rin na hindi nila natatamasa na nakakaapekto sa sikolohiyang kalusugan nila, gaya nga ng “pains of imprisonment” ayon kay Gresham Sykes. May mga karanasan sa malayang lipunan ang hindi na nila nararanasan doon ngayon. Maliban pa roon, masasabi kong maging sa loob ng bilibid, makikita nating mayroon pa ring mga class na nakikita sa pagkakaroon ng mayayamang inmates ng mas magarang pasilidad samantalang ang iba ay nagtitiis sa masikip at mainit na dormitoryo. Makikita rin natin doon na may mga inmates na naninilbihan sa mga mas mataas o mas mayayamang inmates. Bagaman ang inaakala kong ang power relations lamang na mayroon sa lugar ay sa pagitan ng mga guwardiya at nilang mga inmates. May mga paglabag pa sa ilang mga batas akong napansin tulad ng pagmamay-ari paggamit ng cellphones (lalo na ng mga matataas na inmates) subalit parang ordinaryong bagay na lamang ‘yon para sa mga mga taong nasa paligid niya – malamang dahil sa tinitingnan din siya bilang nakatataas.

Higit pa rito, isang manipestasyon ang buhay sa bilibid ng pagtalikod ng pamahalaan sa kanilang mga tungkulin. Kapansin-pansin na wala talagang budget ang New Bilibid Prison. Masikip at masalimuot ang pagtira para sa mga inmates kumpara sa mga kulungan sa ibang bansa. Mapapansin din ang kakulangan sa budget sa numero ng mga guwardiya at mga pasilidad na makikita sa labas, na marahil, nagdulot ng pagkakaroon ng mga paglabag sa loob (katulad nga ng pagpupuslit ng cellphones). Subalit, kahit na ganito man ang sitwasyon, gumagawa pa rin ang mga inmates ng paraan para maisaayos ang pamumuhay nila sa loob sa pamamagitan ng pagtitinda-tinda, pagseserbisyo sa iba pang inmates, at iba pa. Napansin ko ring wala masyadong mga “big time” na inmates, kumbaga, ‘yong mga pulitikong mas nakapinsala sa mas maraming biktima. Siguro isa na rin itong lamat o depekto ng kung paano gumagana ang batas dito sa bansa.

Pagdating naman sa lethal injection chamber, nakita kong ayos naman ang mga pasilidad sa lugar: maayos ang mga gamit, ang lugar kung saan natutulog o nananatili ang nasa death row, at iba pang teknikal na sistemang mayroon sa lugar. Siguro, mukha itong “low tech” kung para sa amin ngayon pero marahil iba ang pagtingin noong panahong nagagamit pa iyon.

Base sa nakita ko, masasabing hindi pa rin ganoon kaliwanag ang paghihiwalay ng state sa simbahan. May mga batas pa rin talaga dito sa bansa na naaapektuhan ng desisyon ng simbahan. Ito ay sa dimensyon ng relihiyon. Subalit, pagdating naman sa usapin ng human rights, sa tingin ko’y mayroon pang mas malalaking krimen na umiiral sa bansa natin ngayon at ang mga taong responsable dito ay dapat managot. Magiging pabor lamang ako sa Death Penalty kung naisaayos na ang sistema ng batas dito sa Pilipinas.
 
15
Kudos
 
15
Kudos

Now read this

The God I know

Let us start throwing up some darts rather than just stare at the bull’s eye to hit the dart board. ‘God’ for me is something that can only be perceived through words. God is only a word. ‘God’ is used as a term to describe what is... Continue →